Saturday, July 28, 2012

Liham sa Lahat ng Nanlait sa mga Rallyista sa SONA

Joi Barrios


Kumusta naman ang iyong kape sa umaga,
Habang nanonood o nagbabasa ng balita,
Sa mga naganap sa huling SONA?

A, oo, isisi natin ang lahat sa rallyista.
Isisi natin ang trapik, nasirang gamit,
Dumi sa kalyeng hindi nailigpit.
Oo, pati kasawian natin sa pag-ibig.

Isisi natin ang lahat sa rallyista,
Pati ang ating pamamanhid
Sa duguang mukha
At walang awang pananakit.

At bakit hindi?
Ikulong natin sila sa mga kataga:
Maingay na aktibista,
Komunistang mapula.

Ituloy natin ang pagmamaang-maangan,
At ang ating pananahimik
Sa bawat pagdukot at pagpaslang.

Pagkat makapangyarihan ang mga salita:
Maingay ang aktibista,
Mapula ang komunista,
Salot silang lahat, lipuling ganap.
Limutin ang ugat ng paghihirap
At ang pasismong lalong nagtutulak
Sa mamamayan ng mag-aklas.

Huwag hayaang ang kape ay lumamig,
Mainam raw iyan sa puso mong nag-uumapaw ang galit,
Sa rallyistang sa kalye ay hindi mawalis-walis.